Agro-Harvesters Multi-Purpose Cooperative
Thursday, March 14, 2013
Monday, July 16, 2012
Saturday, November 13, 2010
PMES Batch 3
In our continuing membership campaign, Agro-Harvesters MPC (AHMPC) conducted another Pre-Membership Education Seminar (PMES) last November 13, 2010 from 10am to 4pm at Dulang Restaurant in Angeles City, Pampanga. Around twenty GH Tree Owners attended the seminar. Ms. Wilma Siazon, a former marketing director of GH helped organized the PMES. The PMES Team was composed of Corazon Mabagos (AHMPC Vice-Chairperson), Prof. Al Fontamillas (AHPMC Director), Allan Tura (AHMPC Secretary) and Ms. Josie Pillarina (AHMPC Treasurer)
Tuesday, October 12, 2010
SPEECH of His Excellency BENIGNO S. AQUINO III President of the Philippines During the first day of the 10th National Cooperative Summit [October 10, 2010, Araneta Coliseum, Quezon City]
Magandang umaga po.
Una po sa lahat, hindi pa man pormal na nagtatapos ang summit na ito, binabati ko na kayo sa tagumpay ng pagtitipong ito. Ang mga kooperatiba ay kasangga ng ating gobyerno sa pagtatayo ng sistemang patas at maunlad. Ikinalulugod kong makasama dito ang mga pinuno ng kooperatiba na nanggaling pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Salamat sa inyong pakikiisa sa pagsisikap nating mapanatili ang positibong enerhiya sa ekonomiya na ating nararanasan ngayon.
Pinasasalamatan ko rin ang mga taong nagtaguyod sa pagtitipong ito, sa pangunguna ng aking tiyuhing si Butz Aquino. Batid ko pong ginugol niya ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa pagpapaunlad at pagtulong sa mga kooperatiba at sa kabuhayan ng mga kapuspalad nating kababayan. Binabati din po natin ang Philippine Cooperative Center (PCC) at ang Cooperative Development Authority (CDA) sa kanilang pagsisikap na maging posible ang pagkikita-kita nating ito.
Patuloy po sa pag-angat ang ating ekonomiya at hindi po tayo titigil sa pagsasagawa ng mga hakbangin upang mapabuti pa ang ating nasimulan. Kabaliktaran ng naranasan natin noong nakaraang administrasyon ang nararanasan natin ngayon. Sa atin nga pong pagbisita nitong nakaraang buwan sa Estados Unidos, kabi-kabila ang ating nakuhang investment sa mga negosyante doon. Hindi po bababa sa 2.4 bilyong dolyar ang naiuwi nating pasalubong sa Pilipinas.
Matapos po ang ika-isandaang araw natin sa panunungkulan, naabot ng Stock Market natin ang pinakamataas na index na 4,245.05 noong October 7 – senyales na gumiginhawa ang ating ekonomiya. Ngunit hindi po natin dapat makalimutan na ang kaunlaran ay dapat na makamit ng marami at hindi lang iilan ang dapat makinabang.
Sama-sama po tayo. Balewala po itong mga impormasyong nabanggit ko kung hindi ito mararamdaman ng bawat isa, lalo na ng mahihirap nating kababayan. Nito pong nakaraang kabanata ng ating kasaysayan, nalubog po tayo sa matinding kahirapan. Sa mga panahon pong iyon, ang mga kooperatiba ang nagbigay ng pagkakataon sa mga ordinaryong mamamayan na makilahok sa pagpapatakbo at pagkita sa larangan ng enerhiya at tubig. Ang modelo ng kooperatiba ay paraan kung saan ang mga consumer ay sila ring magiging may-ari ng mga kompanya. Naniniwala po akong nasa inyo pa rin ang malaking potensyal na makatulong sa ating tuloy-tuloy na pag-ahon sa kahirapan. Higit sa lahat, naniniwala akong ang mga kooperatiba ay katuwang ng ating gobyerno sa paglaban sa kahirapan.
Sa panahon ng panunungkulan ng dating Pangulong Corazon Aquino, naging adbokasiya niya ang “people empowerment through microfinance and cooperative-based activities”. Nagbigay-daan po ito sa pagpapaunlad sa kabuhayan ng marami nating kababayan. Hindi lang po natin itutuloy ito: makakaasa kayo na todo ang ating suporta sa adhikaing palakasin at palaguin ang kooperatiba.
Buo din po ang aking suporta sa mga kooperatiba noon pa mang mambabatas pa ako. Isa po tayo sa mga sumuportang amyendahan ang panukalang batas para sa mga kooperatiba. Sa pagsasaayos po ng batas ukol dito, nilinaw po natin ang depinisyon ng social auditing upang higit na matugunan ng mga kooperatiba ang kanilang mga tungkulin sa komunidad.
Sa rebisyon pong ito, sinusuri natin kung sa mga komunidad ba, dumarami ang trabaho at lumalago ang negosyo o palaki lang nang palaki ang inuutang mula sa deposito ng mga miyembro ng kooperatiba?
Naniniwala po akong kailangan nating tiyakin na sa atin pong ibinabahaging pondo, lahat ay makikinabang at hindi sinasarili lamang ng iilan ang mga benepisyong nakukuha mula sa mga kooperatiba. Kaya naman sa ating pagsuporta sa organisasyong tulad nito, babantayan natin ang mga operasyon dito para maisabuhay ang diwa ng kooperatiba – kung saan ang benepisyo ng isa ay benepisyo ng lahat.
Mandato ng mga kooperatiba na magbigay ng pantay na pagkakataon sa ating mga mamamayan na makapagnegosyo. Sa bayanihang naitataguyod sa ganitong samahan, nabibigyang-lakas ang ating mamamayan. Bilang mga kalahok sa proseso, may oportunidad silang makibahagi sa mga usapin at proyektong panlipunan na nagtataguyod sa kapakanan ng komunidad: pagsusulong sa mga patubig, distribusyon ng kuryente, pagpapatayo ng imprastraktura, at pagkakaroon ng maayos na transportasyon.
Sagisag po ang kooperatiba ng ating isinusulong na demokrasya. Mayroon kayong kalayaan na iboto ang mga pinuno ninyo at magkaroon ng diskurso ukol sa mga suliranin ng komunidad na inyong pinaglilingkuran. Magtatagumpay po ang isang kooperatiba kung mapagkakatiwalaan at may malinis na hangarin ang mga pinuno nito. Kailangan din ang pakikiisa ng mga miyembro dito kaya naman napakahalaga pong maisaalang-alang ang kapakanan ng bawat isa sa kooperatiba.
Kung paano ang mga operatiba, ganoon din dapat ang ating gobyerno. Bilang Pangulo, mananatili pong ang mamamayan ang boss ko. Sa loob ng tatlong buwan na tayo po ay nanungkulan, wala tayong inatupag kundi ang pagresolba sa sangkaterbang problema na ating minana. Pero dahil po marami ang nakikiisa sa atin kaysa mga bumabatikos, batid ko pong magtatagumpay tayo sa ating layuning makamit ang pagbabago.
Nasa likod po ninyo ang aking administrasyon at makakaasa kayong makikipagtulungan ang gobyerno sa pagtataguyod ng inyong mga programa. Sisiguraduhin po natin na magkakaroon ng maayos na paraan upang tayo ay makapag-usap. Sa paraang ito, mabibigyan ng agarang solusyon ang mga problema at mapapabilis din ang pag-usad natin tungo sa pag-unlad. Itataguyod po natin ang mga programang magpapahusay pa sa inyong kakayahang magpalakad ng organisasyon. Sisiguraduhin din po nating mapapanatili ang mga benepisyong nararapat na makuha ninyo sang-ayon sa batas. Poprotektahan kayo ng gobyerno sa mga korporasyong ginagamit kayo para makaiwas lamang sa buwis. Susuportahan naming ang mga panukalang nagpapalakas sa kooperatiba upang mapanatili ang tapat na paglilingkod para sa nakararami.
Umasa po kayong magiging katuwang ninyo ang ating gobyerno sa pamamagitan ng pagpapalakas sa mandato ng CDA upang mas matulungan kayo.
Umaasa akong patuloy kayong magsisikap upang makatulong sa nakararami at sa bansa sa kabuuan. Tulad ng tema ninyo ngayong taon, isusulong natin ang pagkakaisa ng mga kooperatiba bilang samahang may isang layunin at may isang patutunguhan. Ang lakas ng isa ay lakas ng lahat. Palalakasin po natin ang mga kooperatiba bilang bahagi ng ating pagpapalakas sa ating ekonomiya. Wala pong dapat na maiwan sa pag-unlad. Isulong natin ang diwang gumagabay sa kooperatiba. Gawin nating tagumpay ng mamamayan ang tagumpay ng mga kooperatiba. Huwag kayong sumuko at gawin nating matibay na pundasyon ng pag-asenso ang inyong mga samahan.
Magandang araw po sa ating lahat at mabuhay po kayo!
Monday, October 11, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)